PURO: MERON O WALA?

120
Ang manok sa litrato ay palahi ni Vice Mayor Ronron Ong ng Dolores, Eastern Samar. Cross ito.

Marami na ang naiulat tungkol sa kapuruhan ng manok-pansabong, at tila lalong umiinit ang usap-usapan tungkol sa aspetong ito. Sa kasamaang palad, tila lalong dumadami ang naniniwalang walang ganito, kahit pilit na ipinaliliwanag ng mga maka-meron kung bakit meron.

Bakit nga ba sinasabi ng nakararami na walang manok na puro? Kasi nga, lahat ng manok sa kasalukuyan ay resulta ng pagkakahalu-halo ng mga naunang manok – at linyada ng manok. Kahit nga naman mga itinuturing nating linyada, may hindi bababa sa dalawang naunang linyada ang nasa dugo. Halimbawa na lang, Lemon – ang nasa dugo niya ay Hatch, Butcher at Claret.

May isang tanong lang. Kapag ba pinagpares natin ang tandang at inahin na totoong Lemon ay lumalabas ang Hatch, Butcher at Claret? Paminsan-minsan, siguro. Pero kalimitan, Lemon din ang lumalabas. Hindi ba indikasyon ito na may manok ngang puro?

Ang nasa isip natin, isang batayan ng kapuruhan – tama tayo sa pagkakaanalisa natin dito. Pero may isa pang batayan o klase ng kapuruhan na nakaliligtaan natin, at ito ay resulta ng inbreeding. Kaya naman kapag pinag-uusapan ang mga linyada, napakalimit mabanggit ng salitang puro. Kung nababanggit ito, malamang nga, meron.

Paano naman nagiging puro ang manok sa pag-inbreeding? Bago ito, kaunting balik-aral muna tungkol sa kapuruhang ito. Kapag pinagpares natin ang malapit na magkamag-anak (halimbawa: magkapatid), napakalaki ng tsansang mapunta sa isang anak nila ang nagsamang mga tipo ng iba’t-ibang mga katangian na galing sa ninuno nila, na siyang dahilan kung bakit sila naging magkamag-anak. Sa halimbawang ito, tatay ang tinutukoy natin.

Kunyari, kulay ng ninuno. Dahil magkapatid ang pinagpares, malaki ang posibilidad na magsama ang kulay ng ninuno na parehong nasa dugo ng magkapatid (tandang at inahin) ang mapunta sa anak nila. Sa pagsama ng tipong ito (na galing sa tatay nila), naging puro pagdating sa kulay ang anak nila. Ibig sabihin, kakulay ito ng lolo niya.

Ngayon, hindi lamang sa kulay nangyayari ang pagsama ng dugo ng lolo sa kanyang apo. Marami pang ibang mga katangian (bagaman hindi natin alam kung anu-ano ang mga ito) ang ganito rin ang nangyayari dahil sa pagpares ng magkapatid. Kumbaga, naging puro sa mga katangiang ito ang inbred na anak.

Sa madali at salita, puro ang apo base sa dugo ng lolo niya – mas malapit ang komposisyon ng dugo sa ninuno, mas puro ang inbred na manok. Pero hindi siyento-porsiyentong kapuruhan ito, dahilan kung bakit panaka-naka ay nagtatapon ng ibang itsura ang ganitong manok kapag ipinares sa katulad niya – dito, tama pa rin ang mga hindi naniniwalang may manok na puro.

Ang resulta ng inbreeding ay praktikal na kapuruhan, bagaman sinasabi ng mga eksperto na kapag nagawa ang malapitang inbreeding sa loob ng labing anim na henerasyon ay lubos ang kapuruhan ng pang labing pito. Dahil dito, namamantine nating mabuti ang mga linyada ng manok natin. Dahil dito, may materyales tayong kapag magkapatid ang pinagpares natin ay kawangis na kawangis nila ang mga palahi.

Share your thoughts in the comments.