MAY INIT NGA BA?

982
Ceramic heater na ginagamit sa ADADA Gamefarm

Marami sa atin ay gumagamit ng ilaw para painitan ang mga sisiw na palahi natin. Kailangan nga ito para mabigyan ng magandang simula sa buhay ang mga sisiw.

Artipisyal man o natural, nirirekomenda natin ang pagpainit o “brooding” ng mga sisiw, taliwas sa sinasabi ng ilan na hindi nila ginagawa ito para “patibayin” ang mga ito. Alam naman nating lahat na likas sa inahin ang painitan ang kanyang mga sisiw.

Meron lang isang problema. Sa dami ng napuntahan nating mga palahian, hindi iilan lamang ang napansin nating ang ginagamit ay LED na bombilya. E ano ang problema? Hindi umiinit ang LED na bombilya – maliwanag ito, pero malamig. Kung ganito ang ginagamit natin, balewala ang brooding natin.

Infrared bulb na ginagamit sa ADADA Gamefarm

Makalumang bombilya o incandescent bulb pa rin ang kailangan nating gamitin sa pag-brood natin ng mga sisiw – may init na, may ilaw pa! Ang rekomendasyon, 1 watt kada sisiw. Kung may 25 sisiw, 25 watts ding bombilya. Kung 50 sisiw, magandang dalawang 25-watt na bombilya ang ilagay para hindi magsiksikan ang mga sisiw sa ilalim ng ilaw. Mahalaga ito, lalo na’t taglamig ngayon.

Maliban sa bombilya, may mas makabagong mga ginagamit sa pag-brood ng mga sisiw. Ang una ay ang infrared bulb. Mas kampante ang mga sisiw kung ito ang ilaw nila. Ang mas bago, ang tinatawag na ceramic heater. Di-kuryente rin ito, pero hindi umiilaw.

Ngayon, kung LED na bombilya ang gamit natin, PALITAN NA!

Share your thoughts in the comments.